Kinikilala at binigyan ng Pamahalaang bayan ng Naujan sa pamumuno ni Mayor Romar G. Marcos ang isang Mindoreňong taga-Naujan na nagkampeon at nag-uwi ng medalyang ginto sa nakalipas na Muaythai competition noong Marso 17, 2009. Dahil dito ay nagpatawag ng courtesy call noong ika-25 ng Abril 2009 ang Pamahalaang Bayan ng Naujan upang kilalanin at parangalan ang Gold Medalist na si G. Joel Aday A. Bulos, tubong Sta. Maria ng nasabing Bayan.
Ang huli ay isa sa labinlimang Filipinong naging kalahok sa Muaythai Competition ng 5th World Thai Martial Arts Festival sa Ayyuthaya, Thailand. Ang pandaigdigang paligsahan ay dinaluhan ng mga kampyong nagmula sa iba’t-ibang sulok ng daigdig. Siyam (9) sa labinlimang (15) Filipinong kalahok ang nagkamit ng Medalya: tatlong (3) Gold Medal at anim (6) na Silver Medal.
Si G. Bulos ay nagsadyang bumaba mula Baguio City upang bisitahin ang Bayang sinilangan at kinalakihan. Matatandaang pumanhik ang binatilyong Bulos sa Benguet noong ito’y mag-aral ng kolehiyo sa University of Baguio (UB), kung saan ay magkasabay n’yang nakamit ang BS Commerce Degree at First Dan Black Belt ng parehong Aikido at Muaythai. Bukod dito, siya ay naging Six-rounder na boksingero na s’yang nakapagbigay lamang laban sa kanyang mga katunggali sa Muaythai.
Ang karatista ay may naitayo at inaalagaang club sa La Trinidad, Benguet. Sa pamamagitan ng kanyang kaalaman, ang Philippine Actual Aikido Association (PAAA) ay nagtuturo ng mga kurso at variants ng Aikido, Nupkido, Muay Thai, Kick Boxing, Traditional Boxing and Mix Martial Arts.
Kamakailan lamang, habang kapanayam ang may-akda, ay nagpahiwatig si G. Bulos ng paglilipat ng base mula sa Benguet tungo sa Oriental Mindoro. Hangad n’ya umanong tumulong sa mga kapwa Mindoreňong may interes sa ganitong uri ng palakasan. Ang kahilingan n’ya lamang na suportahin ng mga Sports Authorities ng Lalawigan ang kanyang alok ng paglilipat ng kaalaman sa Martial Arts. Ito aniya ang problema sa pribadong pagsabak sa ganitong uri ng isports, dahil bukod sa maliit na ang mga prizes, wala pang gaanong suporta mula sa pamahalaan. Maging ang huling pagdalo niya sa Thailand ay nagmula pa sa sariling bulsa. Mababawi lamang umano ang mga nagastos kapag natanggap na nila ang napagkasunduang temporary compensation. At ito ay sang-ayon sa bansang pinagdausan ng paligsahan.